Aug 12, 2012
Comments Off

Benjamin “Idol” Cariño (1942-2012)

Pumanaw si Ninong Ben noong Lunes, Agosto 6, dalawang araw matapos siyang magdiwang ng kanyang ika-70 kaarawan. Nabigyan ako ng pagkakataong magsalita noong huling gabi ng kanyang lamay noong Biyernes ng gabi at muling sariwain ang mga alaala ng nag-iisang Idol ng UP School of Urban and Regional Planning, si Dr. Ben Cariño.

Neil and Janielle with Ninongs Ben, Dids, and Mario
Isang mapayapang gabi po sa inyong lahat. Isa pong karangalan ang mabigyan ng oras upang magpugay sa isang taong lubos kong hinangaan bilang isang mabuting ehemplo hindi lamang sa aming propesyon kundi maging sa ordinaryo naming mga buhay. Lolo Ben, Prof. Ben, Dr. Ben, Dean Ben, Tito Ben… Ilan lamang yan sa mga katawagan para sa kanya. Pero sa mga malalapit sa kanya sa SURP, mas kilala siya bilang si Idol.

Pag sinabing si Idol, siya na yan. Kung hindi nyo po naitatanong, ako po ang nagbansag sa kanya ng pangalang Idol halos pitong taon na ang nakalilipas, noong nagtratrabaho pa ako sa SURP. At hindi ko inakalang ang katawagang iyon ay lubos nyang pangangatawanan at siya ring itatawag sa kanya ng iba pa naming kasamahan sa SURP. Yang si Idol kasi, pwedeng ilaban sa contest yan… ang contest… WALA YAN SA LOLO KO. Hindi ka pwedeng magyabang sa kanya kung wala ka rin namang ibubuga. Kung magyayabang ka sa kanya, make sure hindi nya kayang tapatan yun, dahil kung hindi, maglalabas lang yan ng dollars sa harap mo at ipanlilinis ng salamin nya sa mata. Pero ang kanyang pagiging Idol ay hindi batay sa pagyayabang lamang. Idol siya sa kagalingan, katalinuhan, kabutihan, at maging ng kababaang-loob.

Si Idol, larawan ng kababaang-loob??? It may sound like a contradiction, pero sa kabila ng mga natamo ni Idol, nanatili pa rin siyang nakatapak sa lupa at patuloy na dumadamay sa mga mabababa. Laging bukas ang kanyang palad sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kung ano ang meron sya, gusto nya maipamahagi rin yun sa iba, kaya nga sya ang Idol sa SURP.

Itinuring nya akong parang kabarkada lang. Pag may CONCERNS siya, especially sa mga projects, mahilig siyang magshare at ilahad ang mga saloobin nya. At tulad ng isang kaibigan, hihingi yan ng INPUTS na parang magkaedad lang kayo. Pag kasama mo siya, hindi mo mararamdaman ang kanyang pagiging bigatin. Totoong tao. Katunayan, kami ni Teeny, ang kaibigan at kasama ko sa training dati na ngayo’y faculty member na ng SURP to some extent ay BENEFICIARIES kapag umaga pa lang, BAD MOOD na yan. Bakit? Ang susunod ko agad na tanong… “Sir, paano ba tayo mamya?” Dun nya kasi ibinubuhos ang pagkainis nya… sa pagkain. Pag galit yan sa umaga at pinuntahan kami para magrelease ng galit, nakasisiguro na kaming may pameryenda sa hapon.

Sa pagiging barkada, iyan ang sinasabi nya sa mga tao — barkada nya nga kami. At hindi niya ipinararamdam na mas mataas siya sa iyo. Katunayan, isang hapon, nagpunta si Idol sa training at nagyayaya nang umuwi. Kami ni Teeny, busy sa pagtatanggal ng mga price tags ng mga office supplies na binili sa National Bookstore. Ang pobreng Idol, nahiritan namin na, “Kesa magyaya kayong umuwi, tulungan nyo na lang kaya kami?” At wala na siyang nagawa kundi magtanggal ng price tags habang sinasambit…. “ANAK NG TINAPAY, former dean ng SURP, PhD grad, tagatanggal na lang ng price tags.” At masaya kaming nagtawanan.

Tarantahin si Idol. Magaling siyang magtrabaho pero may posibilidad na mataranta. At pag natataranta… maingay at palasigaw. Hindi ko malilimutan na sa sobrang pagkataranta nya nung isang beses na naghahanda kami para sa isang training, pinauwi ko siya ng bahay at sinabi kong kami na lang ni Teeny ang magtatapos ng trabaho. Bumalik na lang siya after ng weekend at nakakasisiguro siyang ayos na ang lahat. Tulad ng isang maunawaing barkada, umuwi nga siya, at nagpahinga na lang tulad ng sinabi ko.

May mga expressions din si IDOL. May levels yan, na dapat ay aware ka. ANAK NG TINAPAY at NAMPUCHA! Yan ang pinakamadalas nyang sinasabi. Maraming kahulugan yan, pwedeng pagkadismaya, pagkagulat, pagkainis, pwedeng paglalambing din. Walang sandaling nagkasama kami na hindi nya yan binanggit at bahagi na yan ng aming mga usapan. ANLABO! Sinasabi nya yan kapag hindi na nya naiintindihan ang isang bagay. O kaya naman sa isang usapan, hindi nya makita ang pagiging objective ng isang argument. WHAT’S YOUR PROBLEM? Ito ang pantapos ni Idol sa isang argument o pagtatalo. Kapag ito ang sinambit nya, wala ng palipaliwanag. Ibig sabihin yun na yun. Pero pag tinagalog na nya yan… ANONG PROBLEMA MO? Bukod sa iyon na ang pandiin nya, ang tagalog version ang nagsasabing ubos na ang kanyang pasensiya.

Mahilig talaga si Idol sa mga bonding moments. Tulad ng barkadahan sa SURP, lagi yang nagyayaya upang mag-order ng SanMig Lights sa The Patio ng UP Hotel. Paborito nyang pulutan… TOKWA’T BABOY. Hindi naman iyon bisyong pag-inom, kundi para sa kanya, yun ang oras ng aming halakhakan. Hindi naman talaga pag-inom ang hilig ni Idol kundi pagkain… Yan ang hilig nya. PPP. Yan ay Pizza at Pansit Palabok. Yan ang madalas mong makikita sa lamesa sa PLANADES kapag meryenda na. Pizza Hut, o kaya ay Pansit Palabok ng Red Ribbon. Kapag may bago siyang nadiskubreng kainan na masarap, hindi yan matatapos ng kakwekwento. Pero hindi yan kwentong barbero, dahil kung kwento rin lang naman at kaya nyang gastusan, isasama nya kami para matikman din ang natikman nya. Ilan sa mga yan ang panlilibre nya sa Shanghai Bistro sa Eastwood, ang ipinagmamalaki nyang Peking Duck. At ang pagtreat nya sa amin sa Chocolat sa Katips, na naging puntahan daw ng CRL choir pagkatapos ng practice. Wala ring arte si Idol, kahit pakainin mo sa nakaplastic na pagkain galling sa canteen ng College of Social Work, hindi yan magrereklamo. Kahit kaladkarin mo saan mang kainan, sasama yan. Lagi siyang may di malilimutang alaala sa mga kinakainan nya.

Lubos nyang ipinagmamalaki ang sarap ng steak sa Tagaytay Highlands. Wala raw sinabi ang steak na nabibili kahit sa Glorietta o Trinoma. Kaming inaanak nya… Natikman din namin yan. Care of Idol. My wife and I, si Teeny and Stephen, ay dinala nya sa Highlands upang sa kahit panunmadali ay maranasan namin ang luxuries ng Tagaytay Highlands members, at matikman ang kanyang paboritong steak. Galante mang tingnan, para sa akin, iyon ay pagiging mapagmahal at mapagbigay ng isang ninong sa kanyang mga inaanak. Dagdag pa sa mga katangian ni Idol ay ang pagiging thoughtful nya, palaging may pasalubong kapag galing sa mga byahe sa ibang bansa at may regalo para sa mga inaanak nya sa kasal tuwing Pasko. On the other end, appreciative sya kapag may binigay ka sa kanya, kahit gaano ito kasimple. Babatiin nya ang suot nya at sasabihin, “Bagay ba sa akin?” kapag suot nya ang iniregalo mong polo o polo shirt…At kapag minsan na kailangan ka nya, ipaparamdam nya sayong kelangan ka nga nya…Pagkatapos ng trabaho, papakiusapan ako nyan ng “Pre, paki tingin naman ung problema ko sa Internet sa bahay o”…Then ihahatid nya ako kung saan mas madali akong makakasakay pauwi.

Tulad ng nabanggit ko, mahilig siya sa bonding moments. Kapag may mga lilipat ng bahay, gusto nya lagi na may HOUSEWARMING. Maging ang maliit naming tinutuluyan sa Cainta, hindi nakaligtas sa kanya. Kahit na nangingimi kaming papuntahin ang mga tao dahil hindi naming alam kung magkakasya kami sa bahay, hindi siya pumayag na hindi nya madadalaw ang aming tinitirhan at magkaroon ng munting salu-salo, kahit pa gabi na at uuwi pa sya ng QC galing sa amin. Ilang beses nya ring kaming niyayang magkaroon ng salu-salo sa kanyang bahay sa Vista Real Classica. Sayang nga lang at hindi na yun mauulit.

Noong nakaraang linggo, napadaan pa ako sa PLANADES, palabas na ako ng pinto ng tinawag nya ako at inimbita kami upang pumunta sa kanyang birthday celebration. May paparty daw ang SURP. Tinanong ko pa nga siya dahil sa nakalimutan ko na kung ilan taon na sya. “Ilan taon ka na nga po ba Sir?”, tanong ko. “Seventy na Pare!”, sabay taas ng kamay nya na parang sinasabing malakas pa rin siya tulad ng dati. “Di nga halata Sir, anlakas lakas mo pa rin.”, sabi ko. “Iba tayo Pare eh!”, sabi nya. Ayan si Idol, sa lahat yata ng inaanak nya, ako lang ng kumpare nya rin at the same time. Madalas pare ang tawag nya sa akin sa kwentuhan. Nung araw na iyon, strong, healthy, and very cheerful sya.

Friday. Pumunta ako ng SURP ng 3:30 ng hapon. Yun ang official time ng kanyang party. Pero si Idol, medyo mainit ang ulo. Wala pa kasing pagkain at dahil mukhang hindi pa rin naman magsisimula ang program, nagpaalam ako sa kanyang babalik na lamang. Pumunta ulit ako ng SURP bago mag 6 ng gabi. Dun ko muli nakita si Idol, masaya habang pinakikinggan ang mga kumakanta sa videoke. Kapansin pansin nga na hinahanap nya ang mga tao, na para bang gusto nya, lahat ng kakilala nya ay kasama nya ng mga sandaling iyon. Mas kapansin pansin na humihiling sya sa mga tao na kumanta kahit isang beses lang. Noon ko lang siya nakitang ganoon, sa dami ng mga parties na nagkasama kami. Sa akin man, nangulit na hindi ako pwedeng umalis ng hindi nakakakanta para sa kanya. Pinagbigyan ko siya, at habang kinakanta ko ang WALANG KAPALIT ni Dingdong Avanzado, nakangiti siyang bumubulong, “Bilugin mo pre, bilugin mo ang boses mo.” Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano gagawin yun, lalo na’t malat talaga ang boses ko. Sa halip na bilugin ko ang boses ko, binilog ko na lang ang mukha ko. Pero kitang kita mo sa mukha nya ang kasiyahang napagbigyan mo siya sa kahilingang siya ay awitan. At hindi ko alam, yun na pala ang huling sandaling makakasama ko si Idol.

Sayang at iniwan na niya agad tayo. Alam kong marami pa siyang kwentong isasalaysay kung nabubuhay pa siya ngayon. Masayang balik tanawin ang kanyang kabataan sa Pangasinan, ang love story nila ni Mam Ledy, ang pagpapalaki at pagmamalaki nya sa dalawa nyang anak, ang kanyang kabiguan at muling pagbangon upang harapin ang buhay. Marami sa kwento ni Sir, halos ilang beses na naming narinig. Literal, inuulit nya ang mga kwento na para bang first time lang siyang nagkwento. Pero hindi ako nagsasawang makinig, dahil mababanaag mo sa kanyang mukha ang kasiyahan habang nagsasalaysay. Hindi man bago ang naririnig ko, masayang makita siyang masaya. Maging ang alagang aso niya, si Magic, ay ilang taon ding bida sa aming mga kwentuhan. Sa mga nakakwentuhan nya, sino ba ang makakalimot kung bakit malakas ang hangin sa Pozzorubio, ang mga tansan yari sa kaha ng Nissan Terrano, ang Queen of Manila sa Netherlands, ang istorya ng tanghali ay Beerhouse sa Binondo, ang PepTalk sa UP Fighting Maroons, at marami pang iba.

Tunay na napakaraming kwento at alaala ang kanyang iniwan sa ating buhay. Sa bawat kwentong yun, may ngiti, may luha, may saya. Ang bawat araw na kasama siya ay mistulang isang klase kung paano paplanuhin ang mundo pati ang buhay. Ang opinion nya sa social issues, mga pangyayaring may kinalaman sa propesyon, sa mga kinakaharap ng pamahalaan…Pero mas masayang pakinggan ang mga kuro-kuro nya miski sa personal na buhay, payo para sa magboyfriend at mag-asawa, para sa topic ng thesis, sa career move…Isa sya sa malaking dahilan kung bakit may halong lungkot ang pag-alis ko sa SURP. Nabawasan kase ang pakikisalamuha ko sa pangalawa kong ama, hindi ko na sya ganon kadalas maka-bonding. Ito ang mga bagay na hindi kailanman mawawaglit sa aking isipan, mga butil ng aral patuloy sa aki’y mananahan. Na sa panahon na ako’y naglilingkod sa pamantasan, siya’y nagsilbing gabay at inspirasyon upang lalo kong mapaghusay ang propesyong kinabibilangan at mamuhay ng naaayon sa pamantayan ng kabutihang-asal. Siya si Ben Cariño… Ama, Ninong, Boss, Mentor, Kumpare, Barkada, Kuya… IDOL…

Pareng Idol, alam namin na mas masaya ka na ngayon, kapiling mo na si Mam Ledy, pwede nyo ng i-enjoy ang Caribbean Cruise na hinahangad nyo, pagkatapos ng byahe, uuwi na po kayo sa langit.

Maraming Salamat po.

Incoming search terms:

  • kahulugan ng propesyon social work

Archives