May 11, 2010

Halalan 2010: Isang Pagninilay

Natapos na rin ang botohan, at ngayon naman, nakaantabay ang mga tao na nagaganap na bilangan ng boto. Masaya ako at nakaboto ako ng matiwasay kahapon, bagaman medyo may kahirapan ang paghahanap ko ng aking presinto dahil na rin sa “clustering” na ginawa ng Comelec, napakabilis naman ng naging pagboto ko dahil na rin walang nakapila sa aming presinto. Nagpapasalamat ako at mabilis lang ang proseso. Nakakasama lang ng loob na marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pinalad na makaboto ng simbilis tulad ko.

Ako’y matamang naghintay ng hanggang hatinggabi upang tunghayan ang panimulang bilangan ng boto. Nakakatuwang makita ang bunga ng “automated election” sa aspeto ng pagbibilang ng boto. Napakabilis. Hindi tulad ng manu-manong bilangan. Dati na rin akong naging kasapi ng BEI at talaga namang nakakapagod magbilang ng boto. Kaya nga hindi ko masisisi ang mga gurong nagkakamali sa pagbilang dati dahil ramdam ko ang pagod at puyat nila nung hindi pa PCOS machine ang nagbibilang. Maraming kapalpakan ang nangyari sa eleksyon, pero pagbigyan natin ang COMELEC. Nanganganay ‘ika nga. Anupat sa mga darating na eleksyon, mas makikita natin ang mabuting bunga ng “automation”.

Sa mga tumatakbo sa pagkapangulo, hindi na ako nagulat kung ang manguna man ay si Noynoy Aquino. Hindi man siya ang ibinoto, inasahan kong mataas ang makukuha nyang bilang ng boto, hindi man siya ang manguna. Ang nakakagulat sa lahat ay ang muling pag-imbulog ng pangalan ni Erap sa bilangan. Tunay ngang hindi pa rin nawawala ang kanyang karisma sa mga tao. Hindi ko ito gusto. Bilang isa sa mga nakilahok sa EDSA Dos noon, mas nananaisin kong hindi na lang siya pinayagang tumakbo. At sigurado ako, ipapangalandakan ni Erap ang milyon-milyon nyang boto upang sabihin na ang mga taga-NCR lamang talaga ang nagnais na pataksikin siya sa EDSA at hindi iyon ang tunay na boses ng buong Pilipinas. Katunayan, halos 10 milyon ang nakuha nyang boto noong manalo siyang pangulo, at sa lagay ng bilangan ngayon, malapit na nyang makamit ang ganung bilang ng boto. Nga lamang, mas marami pa ring boto si Noynoy. Ang nakakagulat sa lahat, hindi ko akalaing malalaglag si Villar sa ikatlong pwesto, at napakakaunti ng nakuha nyang boto kaysa doon sa inaasahan ko. Ako man ay nagkamali nang sabihin kong kaya kong pumusta na ilalampaso ni Villar si Erap kung sila lang dalawa ang maglalaban sa halalan. Ang nangyari kay Villar at patunay na hindi kaya lahat ng pera para ipanalo ang isang kandidato.

Mga pagkabise presidente naman, nakakagulat rin ang biglang pangunguna ni Jejomar Binay kay Mar Roxas. Naniniwala akong malaki talaga ang nagawa ng Noy-Bi endorsement ni Chiz Escudero para mas makakuha ng mas maraming boto si Binay. Kahit mismo sa Roxas City sa Capiz na kilalang balwarte ni Roxas, nanatiling matatag si Binay na nakakuha ng halos 20K++ boto habang si Roxas ay may 39K++ boto. Lamang si Roxas, pero malaki pa rin ang naging boto ni Binay. Di tulad sa Makati na talagang inilampaso ni Binay si Roxas sa bilangan ng boto.

Sa pagkasenador naman, kahit na masasabi kong malaking bagay si Ninoy at Cory sa kandidatura ni Noynoy, hindi naman ito ay sumalamin sa kapalaran ng mga nagnais maging senador ng bayan. Karamihan sa mga kandidatong nagmula sa mga angkan ng pulitiko ay hindi naging sapat ang kanilang pangalan upang mapanalunan ang boto ng bayan. Sina Roco, Pimentel, Mitra, at Biazon ay ilan sa mga malabo ng manalo sa halalang ito. Kahit pa sa Guingona ay hindi pa rin nakakasigurado kung makakapasok sa labindalawa bagaman sa huling bilang ay siya ang nakakuha huling panlabindalawang pwesto.

Masaya ako na malungkot. Masaya ako at natapos na ang halalan. Masaya ako na nakaboto ako. Masaya ako na naging bahagi ako ng prosesong ito at naipahayag ko ang kagustuhan kong mabago ang takbo ng pulitika sa ating bansa. Malungkot din ako sa kabilang banda. Malungkot ako at karamihan ng mga ibinoto ko at natabunan ng kanilang mga kalaban sa bilangan. Malungkot ako at sa lumalabas resulta ng botohan, wala halos bagong mukha akong nakikita na maaaring maghatid ng tunay na pagbabago sa lipunan. Sila pa rin ang mga dating mukha ng kapangyarihan at hindi mukha ng pagbabago. Malungkot ako at kahit maraming bagong mukha ang naglaan ng kanilang mga sarili upang maglingkod sa bayan, hindi iyon ang naging hatol ng sambayanan. At dahil dito, ako ay nananalangin na maging mapagmatyag at mapanuri ang taumbayan.

Maraming nanalong kandidato, mas maraming natalong kandidato. Pero kahit matapos na ang bilangan, ang tunay ng laban ng sambayanan ay nagsisimula pa lamang. Hindi man natin magustuhan ang resulta ng botohan, ito pa rin marahil ang hatol ng sambayanan – ang tinig ng ating DEMOKRASYA. Magpasalamat tayo na naging bahagi tayo ng prosesong ito, at nawa’y maging instrumento tayong lahat ng hinahangad nating pagbabago.

Leave a comment

Archives