Mas Panibagong Bihis
Marahil ay nagtataka kayo at kung ano ang nakain ko at sa magkasunod na araw ay may nailagay akong mga bagong posts dito sa blog na ito. At marahil sa mga dati ng nakakabasa ng mga sinulat ko noon, mas nakakapagtaka dahil napapadalas yata ang pang-iIngles ko (wag nyo ng i-tsek pa ang grammar at baka may mali lang, wala na rin akong oras ayusin). Katunayan, yung iba dyan, hindi ako ang nagsulat at ipinasulat ko lang. Pero ano nga ba at bigla na lang nabago ang ihip ng hangin?
Ang katotohanan ay nais ko na rin sanang pagkakitaan ang blog na ito. Kumbaga sa “statistics” ng mga blog, maganda naman ang tinatakbo nito lalo na nung naglagay ako ng mga Ingles na posts. Dahil na rin siguro kahit mga banyagang mambabasa ay naiintindihan naman ang isinusulat ko kumpara dati na talagang purong Tagalog lamang. Pero hindi ito nangangahulugang magiging Ingles ng tuluyan ang blog na ito. Ang mga “regular” kong posts ay mananatiling nasa wikang Filipino. Mga rebyu o me bayad na posts lamang ang gagawin kong Ingles gayundin ang mga tampok na sulatin na akma rin sa mga dayuhang mambabasa tulad ng sinulat ko tungkol sa larong Plants vs Zombies.
Sayang din kasi ang maaaring kitain ng blog na ito. Talaga namang noong una, sinabi kong ayaw ko itong pagkakitaan at ito’y magiging boses ko lamang sa birtwal na kalawakan. Pero sayang talaga ang mga pagkakataon. Kahit barya lang ay papatulan ko na, lalo na pag naiisip kong kung ang iba nga ay mas mahirap pa ang pinagdadaanan para lamang kumita ng pera. Ito’y kahalintulad na pagbibigay sa akin ng isang espasyo sa mataong lugar pero hahayaan ko lamang nakatiwangwang. Kaya mabuti na ang ganito, kumita ng kahit papaano, magkapera kahit papiso-piso…




