Kaarawan… Ondoy… at ang Pilipino
September 29, 2009 by Neil
Filed under Buhay-buhay
Noong nakaraang Setyembre 18, Biyernes, ipinagdiwang ko ang aking ika-29 na kaarawan. Wala namang kakaibang naganap at tulad ng dati, marami pa rin ang nakaalala sa kabila ng pagpapalit ko ng araw ng kaarawan sa Facebook, Friendster, Hi5, at iba pang “social network” na magpapaalala sa mga kaibigan ko ng aking espesyal na araw. Anupaman, dahil na rin sa kinalolokohang FarmVille ng aking butihing ina, at sa kanyang paglalaro ng mga alas dos ng madaling araw, ang kanyang pagbati sa akin sa Facebook ang mistulang nagpaalala sa maraming tao ng aking kaarawan. Kaya anuman ang ginawang kong pagtatago ng nasabing petsa, ayun at nalaman rin ng maraming tao.
Simple lang naman ang araw na iyon para sa akin. Kahit na hindi ako pumasokj sa trabaho, ginugol ko ang araw upang gawin ang mga dapat tapusin para sa mga kliyenteng nasa ibayong dagat. At noong gabi, kasama ang aking maybahay at mga miyembro ng pamilya ay naghapunan kami sa isang restoran sa may Marcos Highway papuntang Antipolo.
Hindi ko na iisaisahin ang mga dapat kong pasalamatan sa mga nakaalala. At sa mga nakalimot, me susunod na taon pa naman. Salamat kay Lord sa panibagong buhay na ibinigay at nawa’y maging makabuluhan ito lalo sa paglipas ng mga araw.
Noong nakaraang Sabado, ginulantang ng bagyong si Ondoy ang sambayanang Pilipino. Nagmistulang dagat ang maraming lugar sa Cainta, Pasig, Marikina, at Kamaynilaan sa taas ng bahang dulot ng nasabing bagyo. Kahit na nasa ikatlong palapag kami nakatira, panay pa rin ang dasal kong hindi mapahamak ang pamilya ko at ng aking asawa, gayundin ang maraming taong alam ko ng mga sandaling iyon ay nakaapak ang isang paa sa hukay, o dili naman kaya’y hirap na hirap sa pagsasalba ng mga kagamitan sa bahay. Isang masaklap na tanawin ang makitang unti unting nilalamon ng tubig ang mga bahay sa kapaligiran. Ito ang nagbigay sa akin ng kamulatan na sa kahit ano pang kalamidad, walang itong pinipili, mayaman man o mahirap.
Ngayon, abala ang pamilya ko at ng aking maybahay sa pagsasaayos ng bahay na nababad sa tubig pati na rin ng pagpili ng mga gamit na pwedeng pang maisalba gayundin ang paglalaba ng mga damit na hindi mo na makilala sa makapal na putik na dulot ng baha. Mahirap… Nakakapagod… Pero sa kabila ng lahat, higit pa rin ang pasasalamat ko. Dahil sa mga sandaling ito, patuloy kaming humihinga at nabubuhay. Bagaman maraming gamit ang nawala, andun pa rin ang bahay, at lahat kami patuloy pa ring nabubuhay.
Pagpalain kayong lahat ng Diyos…


leony on Wed, 7th Oct 2009 6:50 pm
Nice article. Sabi mo nga sa akin, “God is so good !”
dennis on Sat, 17th Oct 2009 9:58 am
Amen!
melvin on Tue, 3rd Nov 2009 8:29 am
ganun talaga ang buhay brando! buti at wala naman napahamak sa mga mahal mo sa buhay.