PALS… noon, ngayon at bukas!
March 2, 2009 by Neil
Filed under Buhay-buhay, Peyups
Kita mo nga naman, napakabilis ng panahon at hindi ko namalayan, ni hindi pala ako nakagawa ng post para sa buwan ng Pebrero, sa kabila ilang ulit kong pangangakong magsusulat ako ng regular dito, hindi ko pa rin magawa, lalo na at ang huli kong post ay nagbunga ng maraming reaksyon sa mga nakabasa. Salamat…. ang mga taong tulad ninyo na nabobola ko nakakaintindi sa aking mga ipinagsisintir ang magiging dugo at pawis ng aking pagsusulat rito.
Nung nakaraang Sabado, ako at ang aking minamahal na katipan ay inanyayahang dumalo sa isang hapunan na dadaluhan ng aming mga “anak” sa PALS. Inaasahan ko ng magiging masaya kami ni Janielle nung gabing iyon, pero MAS MASAYA pa pala sapagkat nakasama na namin muli ang mga taong naging bahagi na buhay namin sa kolehiyo maging nung nakatapos na kami.
Late na nga kaming dumating, nagtrip pa akong itext ang may pakana ng lahat na nakalimutan ko ang araw na iyon ng aming “engagement dinner” at sinabing nasa loob ako ng sinehan. Pero talagang mahal kami ng mga bata, at hihintayin raw kami sa aming pagdating. Kaya wala pang sampung minuto, andun na kami, pero nagulat ako ng marami talaga sa kanila ang nag-akalang nanood kami ng You Changed My Life… Hindi pa, next week siguro pag maluwag na sa sinehan.
Pagdating namin, agad na sumalubong ang aming mga “anak”, at kung hindi halik at yakap, mga lente at ilaw ng kamera ang sasalubong sa aming mga ngiti. Parang artista… Nagtitinginan tuloy ang mga kumakain sa ibang mga mesa. Bumalik na naman sa aking balintataw ang mga araw ko sa showbusiness… Kaya nga ako umalis, di ko kinaya ang fame =).
Naalala ko na naman ang PALS. Bagaman dati nang sikat, di ko pa rin lubos na maisip na mas sisikat pa ang PALS, di lamang sa apat na sulok ng National College of Public Administration and Governance kundi maging sa labas ng Pamantasan. Hindi naman ako ganun kaaktibo dati, sumasama ako sa puyatan upang makipagkulitan at mang-okray ng mga kakandidato sa Student Council, pero sino ba ang mag-aakalang ang simpleng pamilya namin sa PALS, kahit na simple pa rin ay mga bigtime na. Nakakataba ng kaloobang makitang halos lahat sila ay tumatahak na patungo sa mas magandang buhay at sa kabila ng kanilang mga trabaho at iba pang ginagawa, eto at mayroon pa ring silang oras na nakalaan upang muli naming balikan ang mga alaalang nagsilbing pundasyon upang kami’y isang matatag na pamilya… ang Pamilyang PALS.
Ngayon, hindi na ganoon nakikita ang mga alumni ng PALS sa NCPAG, pero ang PALS pa rin ang may hawak ng liderato sa konseho at ang patuloy na paglilingkod sa pamantasan at sambayanan ay higit pa nitong pinagyayabong at pinagyayaman. Alam kong maaaring mas masaya pa ang mga nakakabata sa ngayon kung andun pa rin kami, pero masaya na akong nakikita kaya na nilang tumayo sa kanilang mga sariling paa upang harapin ang hamon ng tunay at siyento porsiyentong serbisyo (pucha, para akong nasa miting de avance).
Nais naming pasalamatan una si Jen na lalong gumaganda dahil may itinatangi na ang pusong payak at busilak, na siyang utak ng lahat ng naganap. Sa lahat ng mga dumalo at kahit marami kayo, iisa-isahin namin kayo ni Janielle ng walang humpay na pasasalamat…. Random ito, walang preference, para walang magtampo =). Kay Mark, na sa kabila ng pagiging bigating nurse ay hindi nakakalimot balikan kami sa bawat pagtitipon. Kay Esmond, na sa mga sandaling bago ang pagtitipon ay akala kong nagpapakasasa sa lupain ng mga “Chulalongkorn” sa Bangkok. Kay Sophie na hindi ko rin inaasahang darating at ilang taon ko ring hindi nakita. Kay Nancy na namamayagpag bilang law student sa UP. Kay Elai na ilang taon ko ring di nakita, na nagsabing ako raw ang pinakasweet na tao na nakilala nya — ang taong diabetes. Kay Aileen at kay Mimay na mukhang mga eighteen pa rin (naks!) at parang di tumatanda (Ponds ba yan?) Kay Davis na hanggang ngayon ay bakas ko pa rin ang pangarap na maging chair ng council saan mang kolehiyo ng UP siya mapunta. Kay April, na alam kong abala rin sa trabaho sa showbusiness (sabi na dati kong ganun), pero nagawa pa ring dumalo at makipagbonding sa amin. Kay Sarah, na humihiling na gawin naming flower girl sa aming kasal. Sige pag-iisipan ko ng milyong beses =). Kay Digna, na hindi na raw mahilig gumimik kaya lalo kong siyang ipagmamalaki. Kay Xtian, na sa kabila ng kanyang kayamanan (di lang halata, simpleng get up lang eh), ay hindi nagsasawang magpakita ng suporta at pagkalinga sa pamilyang PALS.
Ang barkadahang Khate, Xina, Anna, at Angel, na sa paglipas ng panahon ay magkakasama pa rin at di mapaghiwalay. Sa kabila ng malala kong pag-ubo, walang tigil ang mga yan sa pakikinig ng kabanata ng proposal at daig pa si Jobert Sucaldito kung magtanong. Sa tambalang Marl at Ralph na hindi pa rin kumukupas ang asaran. Kung sino sa kanilang dalawa ang wala man lamang daw libido, hulaan nyo kung sino. Kahit na hindi namamansin si Ralph sa Galleria, natutuwa akong ‘game’ pa rin siya pag napag-uusapan ang nakaraang “hawak-kamay” nya sa isang dating mataas na opisyal ng partido. (parang maiimbestigador na naman!). Kay GH, na mukhang mauuna pang makasal kaysa sa amin na kahit sa anong paliwanag ng siyensiya ay hindi ko rin maunawaan. Si Jaz, na mistulang dalagang Pilipina nung gabing iyon, bat ba hindi ka ganun kadaldal Jaz, inisip ko na lang, maga ang tonsil kasisigaw sa mga estudyante nya. At siyempre, ang aming itinuturing na susunod sa aming mga yapak, ang para sa akin ay nakatakdang maging ‘royal couple’ ng pamilyang PALS – si Ige at Pepay. “Pepay, mahalin ng husto si Ige.” “Ige, pagpasensyahan mo na si Pepay.”
Ang dami, at siguradong mas marami pa akong pasasalamatan kung nakarating din ang iba pa naming mga anak. Bagaman hindi namin sila nakasama ng gabing iyon, ipinaabot nila ang kanilang pagbati sa aming nakatakdang kasal.
Kung anuman ang mga narating na ng aming mga “anak”, kasama na ang kanilang patuloy na paghabi at pag-abot ng kanilang mga pangarap, dalangin kong marating rin iyon ng mga mag-aaral na kapamilya (di ako taga-channel 2 ha) sa PALS ngayon. Hindi man kami madalas magpakita, hindi nawawala ang suporta at gabay mula sa mga elders. Ganyan sa PALS, para kang nakasandal sa pader =).
Gusto ko pa sanang magsulat, pero nangangalay na ang kamay ko, at kahit na pwede naman itong ipost para bukas, atat na akong maipost ito ngayon. Kaya pagpasensyahan nyo na kung maging bitin man sa mga babasa.
Maaaring wala pa kaming mga “tunay” na anak, pero kung ang pamilyang PALS rin lamang ang magiging basehan ng aming magiging pagpapalaki sa mga magiging anak namin, taas noo… kaya kong sabihing magiging mabubuting magulang kami…


Jaz on Mon, 2nd Mar 2009 10:48 pm
hahaha.. nakakamiss ang PALS.. ang lalim at masayang samahan.. nag simula lamang sa isang munting adhikain.. ang mag lingkod sa koliheyo..
ninong at jan.. mahal ko kayo.. at maraming salamat at naging bahagi ako ng mundong to..
sa muling pag kikita..
g.h. on Tue, 3rd Mar 2009 9:22 am
ninong,
mauuna na kayo by default kasi sa april na kayo eh. pero hindi pa rin ako sumusuko sa race to the altar. gagamitin ko ang agham at ang pwersa ng senado para mauna sa finish line. (Lord, sana po mag propose na ang dapat mag propose!)
coming soon! shower party for jan. sino ba pwede mag arrange ng stag mo?
love,
g.h.
bianca on Wed, 18th Mar 2009 2:30 pm
hi neil! i’m proud to have been part of PALS when i was at NCPAG, too.