A Tribute to Nanay Minya
Last Friday, namatay si Nanay Minya, ang kapatid ng lola ko sa parte ng tatay ko. Si Nanay Minya ang isa sa mga malalapit kong lola. Ganyan sa Batangas, nanay ang tawag sa mga lola. Malungkot… tulad ng mga ibang namatayan. Pero mas nanaisin ko na ring makapiling nya si Lord, kaysa patuloy siyang maghirap sa kanyang karamdaman. Nagsimula lang yun halos 1 o 2 buwan na ang nakakaraan. Mababa ang sodium ni Nanay Minya, at hindi siya makakain. Dun nagsimula ang paghina ng kanyang katawan, hanggang sa tuluyan na siyang igupo ng karamdaman.
Napakabait ni Nanay Minya. Tatlo silang magkakapatid, si Nanay Chayong (siya ang ina ni tatay) at si Nanay Rosing. Maasikaso silang tatlo, at dahil magkakapisan sila, kapag umuuwi ako ng Batangas ay daig ko pa ang hari sa pagsisilbi ng aking mga butihing lola. Kulang na lang ay subuan ka sa pagkain mo. Sisiguraduhin kang di ka nagugutom at laging may handang makakain o kaya’y mainit na kape sa lamesa. Ganyan si Nanay Minya, at sa kabila ng katandaan, di yan makakalimot na ihatid ako sa sakayan sa tuwing luluwas na ako pabalik ng Cainta. Mahirap ding kwentuhan si Nanay, lalo na ng magagandang nangyayari sa buhay ko, dahil aasahan ko, halos bawat taong makasalamuha niya, taos puso nyang ipagmamalaki ang mga narating ko ngayon. Proud lola eh!
Kung mayroon man din akong ipagpapasalamat sa kanyang pagyao, ito’y muli kong nakasama ang mga kamag-anak kong matagal ko na ring di nakikita. Maging ang mga pinsan kong nagsipag-asawa na at ilan taon ko ding di nakausap ay naroon, at muli naming sinariwa ang mga alaala ng aming kabataan.
Maraming taong dumating, naghatid ng pakikiramay at pagdamay sa gitna ng aming pagdadalamhati. Kaya sa kabila ng kalungkutan, masaya rin akong makita na maraming taong handang dumamay sa mga panahong ganito.
Malungkot man ang mamatayan, mas malungkot ang mabuhay nang nag-iisa.










Leave a Reply